-- Advertisements --

NAGA CITY – Siniguro ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na makakarating sa tamang mga benepisyaryo ang mga cash assistance na kanilang inilaan mula sa mga programa ng gobyerno.

Ito’y may kaugnayan sa programa ng gobyerno na pagpapautang sa mga magsasaka at mangingisda na labis na naapektuhan ng pandemya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pangilinan, sinabi nito na sa pamamagitan ng mga online forum na kanilang isinasagawa ay kasabay rin ang pakikipag-ugnayan sa lahat ng mga organisayon ng mga magsasaka na apektado ng health crisis.

Ayon kay Pangilinan, ang pagiging transparent ay isa lamang umanong paraan upang matiyak na walang mangyayaring anomalya dito.

Una na umanong naglaan ng halos P24-billion cash assistance ang gobyerno para sa mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

Sa ngayon, kasalukuyan naman umano na itinutulak ni Pangilinan ang layunin na direktang mabigyan ng cash asistance ang mga magsasaka mula sa P800-milyong nakolekta sa ilalim ng Rice Tarrification Law.