-- Advertisements --
inflation

Tiniyak ng pamahalaan na ipagpapatuloy nito ang pamamahagi ng fuel subsidy at cash aid sa mga mahihirap na Pilipino sa bansa.

Sa gitna ito ng paglobo pa ng inflation rate sa Pilipinas sa 7.7 percent nitong buwan ng Oktubre mula sa dating 6.9 percent na naitala noong Setyembre 2022, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang pahayag ay sinabi ni Press Undersecretary Cheloy Velicaria-Garafil na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang patuloy na distribusyon ng ayuda sa mga “most vulnerable Filipinos” bilang bahagi ng “key response” ng pamahalaan sa tumataas na inflation ng bansa kasabay ng “climate action at food security program nito.

Layunin nito na pagaanin kahit papaano ang bigat ng pasanin ng ating mga kababayan mula epekto ng nararanasang mataas na inflation sa bansa na dulot ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Aniya, nangangako ang pangulo na suportahan ang mga kababayan nating magsasaka at iba pang stakeholder sa agrikultura para sa muling pagbawi ng mga ito mula sa pagkakalugmok na idinulot ng mga nagdaang kalamidad sa bansa.

Ito ay habang nananatiling prayoridad pa rin ng pamahalaan ang pagpapabuti sa value chain at pamumuhunan sa mga climate-smart technologies bilang bahagi ng medium at long term goal nito.

Una rito ay sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Felipe Medalla sa isang pahayag na inaasahang mararanasan ang peak ng inflation sa bansa sa pagsapit ng Nobyembre o Disyembre.

Kung maalala, inaprubahan ng Department of Budget and Management noong Agosto 2022 ang ikalawang tranche ng cash transfer program na nagkakahalaga sa Php4.1 billion na inilaan ng pamahalaan para sa pagtulong sa mahigit apat na milyong pinakamahihirap na sambahayan sa Pilipinas.