-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nagpaabot ng pakikidalamhati ang Department of Agriculture (DA) sa pamilya ng 19 na magsasaka na namatay sa aksidente kagabi sa Sitio Gassud, Barangay Karikitan, Conner, Apayao.

Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni Agriculture Sec. William Dar, sinabi nito na nakakalungkot umano ang nangyari sa mga magsasaka lalo pa’t kagagaling lamang nila sa inbred rice seeds distribution ceremony sa Rizal, Cagayan at pauwi na ang mga ito sa Lattut, Cagayan nang mangyari ang aksidente.

Aniya, hindi lamang umano ang DA ang nalulungkot sa nangyari, dahil pati ang pamilya nito ay naawa rin sa sinapit ng mga biktima.

Ayon kay Dar, nagbigay na umano sila ng PHP 15,000 at isang kaban ng bigas sa pamilya ng mga namatay na biktima at PHP 15,000 ang naibigay sa mga nasugatan na kasalukuyang ginagamot ngayon sa Conner District Hospital at Cagayan Valley Medical Center.

Idinagdag nito na nakahanda umano ang ahensya kasama na ang DA Regional Office 2, Philippine Rice Research Institute, at iba pang concerned bureaus and agencies na magbigay ng karagdagang tulong sa pamilya ng mga namatay na biktima at mga nasugatan.