Ikinagalak ng isang martial law veteran ang ikatlong ayuda na matatanggap ng kanyang mga kapwa biktima mula sa Estados Unidos.
Ito’y makaraang aprubahan ng isang judge sa Amerika ang class suit laban sa dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni dating Commission on Human Rights (CHR) chairperson Etta Rosales na indikasyon ito na kailanman ay hindi makakatakas ang pamilya Marcos sa kanilang pananagutan sa mga biktima ng batas militar.
“Yan yung ebidensya (ayuda) kaya yung mga matatanggap ng claimants ngayon, bagamat maliit lang o installment ay sumasalamin lamang nung tinatawag na patunay ng kanilang pagnanakaw,” ani Rosales.
Noong nakaraang linggo nang aprubahan ni US Judge Manuel Real ang order na naga-apruba sa distribusyon ng tig-$1,500 dollars o halos P80,000 na ayuda para sa 6,500 rehistradong martial law victims.
Nanggaling ang pondo mula sa $13.75-million settlement na natanggap ng korte sa paintings ni dating First Lady Imelda na ibinenta ng kanyang naarestong aide.
Simula May 1 ay matatanggap na raw ng martial law victims ang kanilang ayuda mula sa koordinasyon ng American human rights lawyer na si Robert Swift at Atty. Rod Domingo.
Aminado naman si Rosales na bagamat malaking tulong para sa pamilya ng mga kapwa biktima ang ayudang ibinapaabot ng gobyerno ay hindi ito sapat para mabawi ang buhay ng mga namatay sa kamay ng rehimeng Marcos.
Kamakailan nang aprubahan din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ikatlong extension sa release ng human rights claims ng martial law victims.
“Yung pera na naibigay ay hindi kahit na kailan masasagot yung malaking nawala sa mga pamilya; lalo na yung mga pinaslang; mga nawawala at hanggang ngayon hindi nahahanap.”
“Pano mo ibabalik yung (nawalang) buhay (na) dahil pinatay ng militar sa ilalim ng (utos) ni dating Pangulong Marcos.