CAGAYAN DE ORO CITY – Lumutang ngayon ang ilang espekulasyon partikular ang umano’y posibleng partisipasyon ng Azerbaijan-based Institute for Intelligence and Special Operations of Israel o mas kilala na MOSSAD na maaring nasa likod pagkasawi ni Iranian President Ebrahim Raisi at ilang kasamahan dahil pinabagsak ang sinakyang helicopter.
Sa eksklusibong paglalahad ni Iran-based Bombo International News Correspondent Al Guacena na malakas ang duda ng Iranian citizens na gumalaw ang Israeli intelligence spies sa bahagi ng Azerbaijan kaya nangyari umano ang hindi inaasahan sa grupo ni Raisi.
Sinabi nito na nagtataka umano ang mga kababayan ng Iranian president kung bakit chopper lang nito ang bumagsak at hindi napasama ang dalawang security convoy kung totoo na epekto ng masamang panahon ang pagbabasehan.
Ito umano ang dahilan na hindi maalis sa mga kaisipan ng Iranians na posibleng biktima nang assasination attack si Raisi.
Magugunitang mula sa Azerbaijan border si Raisi dahil pinangunahan ang pagbukas ng joint Qiz-Qalasi Dam project subalit patungo pa lang ito sa syudad ng Tabriz ay sinalubong na ng trahedya.
Bagamat wala pang anumang direktang pahayag ang Israel kung sila ang nasa likod ng pangyayari lalo pa’t nagkapalitan ng missile at attack drones ang dalawang bansa noong nakaraang mga linggo.
Napag-alaman na ang MOSSAD ay may ilan ng nagawa na matinding intelligence operations sa loob ng Iran at ibang mga bansa sa Gitnang Silangan lalo na kapag nalagay sa alaganin ang seguridad ng Israel.