-- Advertisements --

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nabahiran ng lungkot ang dapat sana’y masayang birthday treat ni Angel Locsin ngayong araw, April 23.

Ito’y matapos isang senior citizen na nakilalang si Rolando dela Cruz ang nasawi habang nakapila sa itinayong sariling community pantry ni Locsin sa Titanium commercial building sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Ayon sa opisyal ng barangay, unang nahimatay ang naturang matanda at naisugod pa sa East Avenue Medical Center, ngunit idineklara nang dead on arrival.

Sa panig ni Angel, bakas ang lungkot nito nang igiit na hindi nito ginusto ang trahedya at hindi rin intensyon na magkagulo lalo’t nais lang niyang i-celebrate ang kanyang 36th birthday sa pamamagitan ng pagtulong sa gitna ng pandemya.

Katunayan, taliwas ng anunsyo ng birthday girl kagabi pa lamang na alas-10:00 ng umaga pa magbubukas ay napaaga ito ng alas-8:00 matapos malaman na madaling araw pa lang ay mayroon nang nakapila.

Bukod sa mga gulay na kinuha pa sa “bagsakan,” marami pang iba’t ibang produkto ang pagpipilian gaya ng gatas, palaman sa tinapay, pati medical supplies, vitamins, at alcohol na karamihan ay mga donasyon.

Una rito, panay ang kanyang paalala na sundin ang health protocols at pina-coronavirus test pa ang mga volunteer.

Gayunman kahit mayroong plastic cover sa mala-grocery store na community pantry , kapansin-pansin ang pagdikit-dikit pa rin ng mga tao habang nakapila sa ilalim ng sikat ng araw.

Sa ngayon ay tila nagpahiwatig na si Locsin na ititigil ang kanyang community pantry dahil inaasahan na raw niya na hindi na rin siya papayagan.