-- Advertisements --

ZAMBOANGA CITY – Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring banggaan ng isang motorsiklo at bus na ikinamatay ng isang babaeng sundalo at kapatid nito sa Purok Mangga 2, Barangay Lantian, Labangan Zamboanga del Sur dakong alas-6:30 ng umaga.

Ayon sa PNP Labangan kinilala ang mga biktima na sina Private Elmae S. Indangan ng 54th Engineer Brigade, Philippine Army na nakabase sa 1st Infantry Division Tabak at ang kapatid nitong si Niezel Indangan na parehong residenteng Josefina, Zamboanga del Sur.

Sa imbestigasyon ng Labangan PNP nag-overtake umano ang motorsiklo ng mga nasabing biktima sa isang Elf Truck na patungo sa direksiyon ng Pagadian City at hindi nito namalayan ang Rural Bus na patungo sana sa Ozamis City.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga biktima at nabagok ang ulo ng babaeng sundalo na nagresulta sa pagkabiyak ng ulo habang naisugod pa sa pinakamalapit na ospital ang kapatid nito at idiniklarang dead on arrival.

Sa ngayon ay nasa custodiya na ng PNP Labangan ang bus driver para sa karagdagang impormasyon.