ILOILO CITY – Naniniwala ang mga otoridad na pinatay mismo sa loob ng kanyang bahay sa Deca Homes Subdivision sa Pavia, Iloilo ang babae na natagpuang-patay sa loob ng sasakyan ni dating San Dionisio, Iloilo Mayor Peter Paul Lopez at iniwan sa Barangay Inangayan, Sta. Barbara, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Reymond Celoso, hepe ng Sta. Barbara Municipal Police Station, sinabi nito na natagpuan ang mga unan na puno ng dugo at itinapon sa creek malapit mismo sa lugar kung saan naka-parking ang sports utility vehicle (SUV).
Ayon kay Celoso, kaagad nilang itinurn-over sa Scene of the Crime Operation (SOCO) ang dalawang unan na kinumpirma naman ng mga magulang ng biktima na pagmamay-ari nito.
Napag-alaman na base sa resulta sa autopsy examination, lumabas na sinaksak sa leeg ang biktima at dalawang araw nang patay ang biktima ng matagpuan ito na nasa state of decomposition na.