-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang ginang at isa ang sugatan sa pamamaril sa syudad ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Bainot Talib Magkay habang isang babae pa ang nasugatan na tinamaan ng ligaw na bala na si Monera Lawan Alamada.

Ayon kay Cotabato City PNP Station Commander Major Elexon Bona na habang naglalakad si Magkay sa Purok Krislam Barangay Poblacion 2 ng lungsod ay bigla itong pinagbabaril ng riding in tandem suspects gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng town proper.

Naisugod pa si Magkay sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay habang nilalapatan ng lunas si Alamada.

Sa pursuit operation ng pulisya isa sa mga suspek ang nahuli na patuloy ngayong iniimbestigahan.