CEBU CITY – Binawian ng buhay ang isang babae matapos umanong sinubukang kunin ang bag na hinablot ng mga magnanakaw sa lungsod ng Mandaue sa Cebu.
Patay ang may-ari ng bag na si Jennifer Vallespin samantalang sugatan naman ang kasama nitong si Anin Manatad Dequita.
Batay sa imbestigasyon ng Mandaue City Police Station 2, magkasama ang dalawang magkaibigan sa isang mall nang biglang hinablot ng dalawang lalaking naka-motor ang bag ni Vallespin.
Sa kabila ng mabilis na takbo ng motorsiklo, hindi pa rin pinakawalan ng may-ari ang kanyang bag hanggang sa makaladkad ng riding-in-tandem suspeks ang magkaibigan sa kalsada.
Dinala kaagad sa pagamutan ang dalawa dahil kapwa silang may natamong sugat.
Nagkaroon ng pasa si Dequita ngunit naging kritikal ang may-ari ng bag na si Vallespin dahil sa natamo nitong blood clot hanggang sa kinalaunan ay pumanaw ito.
Ayon sa hepe ng Mandaue City Police Station-2 na si Captain Marvin Fegarido, patuloy pang pinaghahanap ng kanyang nasasakupan ang naturang mga suspek.
Ngunit hindi malinaw sa kanila ang pagkakakilanlan ng mga magnanakaw dahil kapwa umano silang naka-helmet.
Kaya naman nakiusap ito sa publiko na dumulog sa kanilang tanggapan kung sinuman ang nakakilala sa mga snatcher.