-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Patay ang isang babae sa pananaksak sa Betag, La Trinidad, Benguet.

Nakilala ang biktima na si Emily Porlucas-Balisciado, 28-anyos, isang vegetable packer at tubo ng Isabela.

Suspek sa insidente ang live-in partner ng biktima na si Richard Sagun Bandoc, 43-anyos at tubo ng Quirino Province.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-away ang biktima at suspek sa loob ng kanilang boarding house.

Ayon sa mga kapitbahay ng dalawa, narinig nilang sumigaw at nagpapasaklolo ang biktima.

Sa pagresponde ng mga concerned citizens ay naabutan nila ang biktima na naliligo sa sarili niyang dugo habang may nakatusok na kutsilyo sa tiyan ng suspek.

Agad naisugod sa pagamutan ang dalawa ngunit naideklarang dead on arrival
ang biktima dahil sa dami ng tinamo nitong saksak habang isinailalim sa operasyon ang suspek.

Pinaniniwalaang maraming beses na sinaksak ng suspek ang biktima bago nito sinaksak ang kanyang sarili.