-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nagpaalala ang Polomolok-local government unit (LGU) sa mga nangangasiwa ng carnival na gawing mas ligtas ang mga rides kung may mga festival.

Ito’y matapos mahulog ang isang 25-anyos na babae sa sinakyang ferris wheel sa carnival sa Polomolok, South Cotabato.

Napag-alaman na nagdiwang ang naturang munisipyo sa kanilang 73rd anniversary at Flomlok Festival.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo GenSan, bababa na sana si alyas Nene galing sa pagsakay ng ferris wheel subalit agad bumukas ang pinto nito at deretsong nahulog.

Nagtamo ang biktima ng sugat sa mukha at katawan at agad na dinala sa ospital ng Polomolok subalit inilipat sa GenSan.

Ayon sa ilang mga saksi, nasa 12 feet ang taas kung saan nahulog ang biktima.

Sasagutin naman ng operator ng rides ang lahat ng gastusin ng pamilya sa pagpapaospital sa biktima na ngayon ay nasa mabuti ng kalagayan.

Ikanabigla naman ng ibang sakay ng ferris wheel ang insidente at agad nagsipagbaba nang makitang wala na malay ang biktima sa semento matapos mahulog.