-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Personal na alitan ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa isang babae sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Chona Casicnan Janea, 42 anyos at residente ng Barangay Poblacion Makilala Cotabato.

Ayon sa ulat ng Makilala PNP na may ka chat at ka-video call sa kanyang cellphone ang biktima sa loob ng kanyang tahanan.

Makalipas ang ilang minuto ay may tumawag kay Janea kaya lumabas ito sa kanyang bahay at pagbukas sa pinto ay doon na ito pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre.45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Kidapawan City.

Agad naisugod sa pagamutan ang biktima at nasa dilikado na kondisyon nang magtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Makilala PNP sa pamamaril sa biktima.