Sinintensyahan na ng korte ang babaeng Kuwaiti employer ng pinatay na Pinay worker na si Jeanalyn Villavende ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbitin.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay, nanggaling daw ang impormasyon sa abugadong kinuha ng Philippine Embassy sa Kuwait.
“According to the lawyer engaged by our Philippine Embassy in Kuwait, Fawziya Al Sabah, the Court’s decision was fair and in accordance to the law and Sharia as the accused assaulted OFW Villavende for days, and imprisoned her in a room until her death.”
Habang ang asawa nito ay hinatulang makulong ng apat na taon dahil sa pinagtakpan nito ang krimen.
Si Villavende, na tubong Norala, South Cotabato at lumipad pa-Kuwait noong Hulyo 2019 upang magtrabaho bilang domestic helper, ay natagpuang patay noong Disyembre 28, 2019 matapos itong pagmalupitan at patayin ng kanyang mga amo.
Batay sa unofficial translation ng report mula sa Kuwaiti government na inilahad sa isang pagdinig sa Senado, nagsimula raw pahirapan nang husto si Villavende noon pang Oktubre 2019.
Matapos na maiuwi sa Pilipinas ang bangkay ni Villavende, isinailalim ng National Bureau of Investigation (NBI) ang katawan ng OFW sa autopsy noong Enero 10.
Sa isang mensahe, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na may indikasyon umano na nakaranas ng pang-aabusong sekswal si Villavende.
“There were also old healed wounds indicating that Villavende had been battered weeks prior to the fateful incident,” dagdag nito.