-- Advertisements --

Kinumpirma ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na isang babaeng bihag na nakatakas mula sa kamay ng teroristang grupo ang siyang nagbigay ng mahahalagang impormasyon sa militar kaugnay sa lugar kung saan nagtatago si Abu Sayyaf group leader Isnilon Hapilon at Omar Maute na naging dahilan sa kanilang pagkakapatay nitong Lunes ng madaling araw.

Sa panayam kay Lorenzana kaniyang sinabi na tinukoy ng nakatakas na bihag ang partikular na lugar kung saan nagtatago ang dalawang top terrorists leaders.

Tumanggi namang pangalanan ng kalihim ang nakatakas na hostage noong Linggo na kasakuluyang nasa kustodiya na ng militar at patuloy na sumasailalim sa tactical debriefing.

Si Hapilon ay may monetary reward kapalit ng kaniyang ulo sa US FBI na nasa $5-milyon na reward.

Si Pangulong Rodrigo Duterte naman ay nagbigay ng P10-milyon reward para sa pag-neutralize kay Hapilon bukod pa sa existing reward sa DND-DILG na nagkakahalaga ng P7.4-milyon.

Habang ang Maute brothers na sina Abdullah at Omar ay may tig P5-milyon na patong sa ulo.

Posibleng sa nakatakas na babaeng hostage na siyang nagbigay ng impormasyon mapupunta ang reward money na nakapataong sa ulo nina Hapilon at Omar.

Sinabi ni Lorenzana na napakalaking pera ang naghihintay para sa informant.