-- Advertisements --
bureau of immigration

Ligtas na naiuwi ang isang Pinay matapos ang naranasan nitong matinding pagsubok sa bansang Malaysia matapos na maging biktima ng sex trafficking.

Dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang 20 anyos na biktima sakay ng isang flight sa bansang Malaysia.

Ang biktima ay hindi rin pinangalanan upang hindi makompromiso ang kanyang seguridad.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco , ang biktima ay ni-recruit umano ng isang kakilala online na nangako ng trabahong housekeeping sa nasabing bansa.

Umasa ang biktima na may naghihintay na magandang oportunidad sa kanya sa ibang bansa.

Bumyahe umano ang biktima sa Palawan kung saan siya ay isinabay upang iligal na sumakay sa isang bangkang patungong Kota Kinabalu.

Ayon sa salaysay ng biktima, huminto sila sa hindi pa matukoy na isla sa loob ng teritoryo ng Pilipinas, kung saan sinundo nila ang isa pang babae na ni-recruit din ng sindikato.

Pagdating sa Kota Kinabalu. naglakbay sila sa mga bulubunduking lugar upang marating ang isang hotel sa Sibu, Malaysia kung saan tinitirhan ng mga sex worker.

Napilitan pa siyang magpa-abortion nang matuklasan nilang nagdadalang-tao ang biktima.

Kalaunan ay inilipat siya sa isa pang hotel sa Bintulu, Malaysia kung saan kalaunan ay inilagay siya sa kulungan matapos salakayin ng mga awtoridad ng Malaysia ang hotel.

Nakipag-ugnayan ang biktima sa Philippine Embassy sa Malaysia sa tulong ng Malaysian police.

Dismayado naman si Tansingco nsa sinapit ng biktima sa kamay ng mga sindikato.

Ang biktima ay tinulungan ng Overseas Workers Welfare Administration matapos ang mga immigration arrival formalities.

Top