-- Advertisements --

COTABATO CITY – Naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) at pulisya ang isang tulak droga sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang suspek na si Stephanie Jane Valdez, 31, residente ng Barangay Mirasol, Alamada, North Cotabato.

Ayon kay PDEA-12 Regional Director Naravy Duquiatan na nagsagawa sila ng buy,bust operation katuwang ang pulisya sa Purok 5, Barangay Barangiran, Alamada, Cotabato at nahuli ang suspek matapos itong mabilhan ng umano’y shabu.

Narekober sa posisyon ni Valdez ang limang pakete ng pinaniniwalaang iligal na droga na nagkakahalaga ng P6,800.

Matagal nang namo-monitor ng ahensya ang pagtutulak diumano ng iligal na droga sa bayan kung saan inilagay ito sa target-list ng awtoridad noong nakaraang taon.

Sa ngayon ay nakapiit na ang suspek sa custodial facility ng Alamada PNP at nahaharap naman ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.