-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY- Napigilan ng mga pulis ang tangkang pagtalon sana ng isang babaeng estudyante sa isang tulay sa lungsod ng Tuguegarao kasabay ng pananalasa ng bagyong ‘Florita’.

Ayon kay PMAJ Harold Ofemia, hepe ng PNP PeƱablanca, habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang kanilang hanay kaugnay sa monitoring sa pananalasa ng bagyo, nakita nila si Alyas Hanny, 19 anyos, residente ng Brgy. Alimannao na nakatayo sa Josepha Bridge at nagbabalak umanong tumalon mula sa tulay.

Nahikayat naman ng mga pulis ang babae na huwag ituloy ang kanyang balak.

Sinabi ni Ofemia na bukod sa problema sa pamilya ay dinamdam din ni Alyas Hanny ang pagkausap sa kanya ng kanyang tiyahin na nagpapaaral sa kanya dahil hindi na siya kayang patapusin sa kinukuhang kursong Bachelor of Science in Information Technology.

Inihayag aniya nito na gusto niyang makatapos sa pag-aaral dahil 2nd year college na siya kaya’t inilapit naman ng pulisya ang kanyang problema sa DSWD at sa iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno upang matulungan.

Ayon pa kay Ofemia naibalik na si Alyas Hanny sa kanyang mga magulang at nakatakda ring isasailalim sa assessment at counseling.