BACOLOD CITY – Kabilang ang isang empleyado sa munisipyo ng Murcia, Negros Occidental sa siyam na mga nahuli sa drug buy bust operation ng Bacolod Police Station 7.
Alas-12:40 ng madaling araw ng Miyerkules isinagawa ng Police Station 7 ang buy bust operation sa bahay ng subject na si Alvin Lindayao alyas Avatar, 32, sa Purok Cabugwason, Barangay Mansilingan.
Ayon sa station commander na si Major Sherlock Gabana, naghintay pa ang poseur buyer sa bahay ni Lindayao dahil hindi pa nakarating ang suplay at kasama rin nito na naghintay ang walo na iba pa.
Nang nabili na ang isang sachet ng pinaniniwalaang shabu, dito na inaresto si Lindayao.
Naaresto rin si Bernadette Reponte ng Barangay Zone 4, Murcia at empleyado sa munisipyo ng bayan.
Maliban sa kanya, naaresto sina Bryan Yulo at Marco Paolo Yulo ng Barangay Mansilingan; Nathaniel Dolarido at Laurence Valenzuela ng Hacienda Puyas, Barangay Blumentritt, Murcia; Daniel Cabilles ng Purok San Roque, Barangay Handumanan; John Drix Hapton ng Barangay Handumanan; at Raymond Aguilar ng Paglaom Village, Barangay Mansilingan.
Umaabot naman sa P75,000 ang suspected shabu na narekober sa mga arestado.