KORONADAL CITY- Nakakulong na ngayon ang isang babaeng guro matapos abusuhin at saktan ang ilan umano sa kaniyang mga estudyante sa bayan ng M’lang North Cotabato.
Ayon sa impormasyon ng M’lang PNP, inaresto nila si Gerlie Villagonzalo, 38 anyos na residente ng Brgy. Calunasan, M’lang North Cotabato sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Jose Tabuzares ng RTC Branch 16 ng Kabacan, North Cotabato.
Napag-alaman na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7610 o batas na nagbibigay ng proteksyon laban sa pag-aabuso, exploitation at anumang diskriminasyon ang nasabing suspek matapos magsampa ng reklamo ang isa sa mga magulang ng kaniyang mga biktimang estudyante sa New Lawaan Elementary School sa Brgy. Lawaan, M’lang, North Cotabato.
Sa ngayon wala pang opisyal na pahayag ang pamunuan ng nasabing paaralan kaugnay sa nasabing pangyayari.