-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Isabela at Highway Patrol Group (HPG) Isabela ang isang babae na nagpakilalang Police Major dahil sa motor napping at large scale estafa.

Ang pinaghihinalaan na si Jebelyn Bungcag, 22 anyos, may asawa, at residente ng Turod, Reina Mercedes Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Rey Sales, team leader ng HPG Isabela na bago ang pagkakadakip sa pinaghihinalaan ay unang dumulog sa CIDG si Alexander Macapulay Jr, 33 anyos, binata, License Criminologist, PNP applicant at residente ng New Orlins, Lasam, Cagayan matapos umanong madiskubreng nawawala ang kanyang motorsiklo madaling araw kahapon sa kanyang boarding house sa Villarta Street, District 1, Cauayan City.

Agad umanong naghinala ang biktima na si Bungcag ang tumangay sa kanyang motorsiklo dahil bago ang insidente ay nagbigay umano ang biktima ng Php15,000.00 sa suspect bilang bayad para makapasok umano ng PNP at AFP.

Dahil dito ay agad na nagsagawa ng entrapment operation ang mga kasapi ng CIDG Isabela, HPG Isabela at Cabagan Police Station sa isang hotel sa Cabagan, Isabela kung saan ay nakipag-trasaction umano ang suspect sa isa pa nitong biktima na pinangakuang makapasok sa PNP at AFP.

Nagkataon anya na ginamit ng suspect sa naturang transaction ang tinangay na motorsiklo at matapos ang transaction ay dinakip na si Bungcag.

Natuklasang hindi konektado sa PNP at AFP ang suspect na si Bungcag.

Dahil sa ginawang panloloko sa mga nais makapasok sa PNP at AFP at pagtangay sa motorsiklo ay patung-patong na kaso ang kakarapin ng suspect na kinabibilangan ng motornapping at large scale estafa.

Nanawagan naman ang HPG Isabela sa mga posibleng biktima ng suspect na lumantad upang mapanagot si Bungcag sa kanyang ginagawang panloloko.