-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Naaagnas na nang matagpuan ng mga awtoridad ang katawan ng isang 22-anyos na babae sa isang palayan ilang araw matapos itong maireport na nawawala sa bayan ng Anda dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Mark Tubadeza, Officer-in-Charge ng Anda Municipal Police Station, sinabi nito na nadiskubre ng isang concerned citizen ang bangkay ng biktima na kinilalang si Lowilyn Caniedo na nakahandusay at wala nang saplot sa ibabang bahagi ng katawan nito sa isang palayan sa Brgy. Cabungan sa nasabing bayan.

Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na umalis ang biktima ng kanilang bahay noong gabi ng Huwebes.

Saad ni Tubadeza na mayroon na silang nakikita na maaaring makatulong sa nagpapatuloy nilang imbestigasyon, partikular na ang ilang mga personalidad na maaaring nakasama ng biktima.

Hindi naman inaalis ng mga otoridad ang posibilidad na nagahasa ang biktima.

Gayunpaman ay kinakailangan pa rin nitong dumaan sa ilang mga eksaminasyon upang matukoy ang sanhi ng pagkasawi nito.

Tiniyak naman nito na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maibigay sa pamilya ng biktima ang hustisya.