-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nahuli ng pinagsanib na pwersa ng pulisya at militar ang isang myembro ng New Peoples Army (NPA) sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang suspek na si alyas Bee,40 anyos,may asawa at residente ng Barangay Sangay Kalamansig Sultan Kudarat.

Ayon kay Police Regional Office (PRO-12) Regional Director Brigadier General Jimili Macaraeg na naglunsad ng law enforcement operation ang pinagsanib na pwersa ng Kalamansig Municipal Police Station, 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, Tracker Team Delta, Palimbang Municipal Police Station at 37th Infantry Battalion, Philippine Army laban sa suspek sa Purok Dalungan Barangay Napnapon Palimbang Sultan Kudarat.

Inaresto ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong Attempted Murder sa ilalim ng Criminal Case No. 20-5937 at may nirekomendang piyansang Php120,000.

Ang pagkakadakip sa suspek ay resulta ng patuloy na pagsisikap ng Police Regional Office 12 katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang hulihin ang mga wanted person kabilang na ang mga taong taga-suporta at myembro ng mga komunistang grupo sa rehiyon 12.

Sa ngayon ay nakapiit ang suspek sa costudial facility ng Palimbang Municipal Police Station (MPS) at hinihintay ang paglilitis sa korte sa mga kinahaharap nitong kaso.