-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pinakakasuhan na ang pasahero na nag-bomb joke sa Davao International Airport, nito lamang Linggo ng gabi, Enero 29.

Ayon sa PNP Aviation Security Group, isang hindi pinangalanang babaeng pasahero na paluwas ng Maynila ang inireklamong nagbiro sa flight attendant ng isang airline company na may bomba umanong nakatago habang nagsasagawa ng on boarding process sa loob mismo ng kanilang sinasakyang eroplano.

Kaagad namang ini-report ito ng customer service agent ng airline sa mga otoridad.

Kinumpirma naman ng hepe ng Aviation Security Unit-Davao na si Police Colonel Leo Ajero na nagsagawa agad ang Explosive Ordinance Disposal and K9 unit ng paneling operation upang isailalim sa masusing inspeksyon ang lahat ng mga bagahe ng pasaherong sakay ng Cebu Pacific Flight 5J978.

Samantalang, sumailalim naman sa interogasyon ang naturang pasahero sa Davao International Airport Police Station na kalaunan ay temporaryong nakadetine sa Panacan Relocation Police Sub-Station.

Paglilinaw naman ng airport police na hindi tubong-Davao ang naturang pasahero.

Nahaharap sya sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law.

Pinaalalahanan naman ng kapulisan ang mga pasahero na bawal ang pagbibitiw ng anumang klase ng bomb joke na hindi lamang magdudulot ng pangamba at perwisyo sa mga nasa paliparan, kundi mahahantong din sa pagkakakulong ayon sa batas.

Kung matatandaang, mayroon ng history ng bombing ang Davao International Airport na noon ay Francisco Bangoy International Airport noong Marso 4, 2003 na ikinamatay ng 21 katao.