-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine National Police chief police director Gen. Ronald Dela Rosa na kaniya nang sisibakin sa serbisyo ang dalawang police officials na may ranggong police superintendent.

Ayon sa PNP chief, ang nasabing hakbang ay bunsod sa rekomendasyon ng PNP Internal Affairs Service.

Pinangalanan ni Dela Rosa ang dalawang police officials na sina Supt. Ma. Christina Nobleza na may mga kasong illegal possession of firearms, arboring a criminal, at conspiracy to commit terrorism, matapos tangkain nito i-rescue ang isang miyembro ng Abu Sayyaf na sumalakay sa Bohol kamakailan.

Kabilang pa sa sisibakin ay si Supt. Lito Cabamongan na may kasong kinakaharap sa iligal na droga matapos na maaktuhang nagpa-pot session.

Ang dalawang police officials ay kasama sa 84 na pulis na nakatakdang sibakin sa serbisyo dahil sa iba’t ibang kaso na karamihan ay may kinalaman sa iligal na droga.

Samantala, nasa tanggapan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon sa kaso ng mga tinaguriang narco generals mula sa National Police Commission (Napolcom).

Sinabi ni Dela Rosa na nasa kamay na ni Duterte ang kapalaran ng mga ito na nauna nang pinangalanan na sangkot sa operasyon ng illegal drugs.

Paliwanag ni Dela Rosa, matataas na opisyal kasi ang mga ito kaya hindi na saklaw ng kaniyang kapangyarihan.

Hindi raw niya maaaring ipag-utos ang kanilang dismissal dahil ang Pangulo ang pumipirma sa kanilang promotion bilang mga heneral.

Kabilang sa listahan sina Police Dir. Joel Pagdilao, Pol. C/Supt. Edgardo Tinio, at C/Supt. Bernardo Diaz, retired Gen. Marcelo Garbo, at Daan Bantayan, Cebu Mayor Vicente Loot.