Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na sisibakin sa serbisyo ang babaeng police colonel na nahuling nagtangkang tulungan ang mga nagtatagong Abu Sayyaf members sa Barangay Clarin sa lalawigan ng Bohol.
Ito ang tiniyak ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa kaugnay nang pagkakaaresto kay P/Supt. Maria Christina Nobleza, deputy regional chief ng crime laboratory sa Region 11 at ang kanyang driver na nakilalang si Reenor Lou Dungon.
Si Nobleza at Dungon, kasama ang dalawang pasahero ay inaresto nang umiwas ang mga ito sa isang police checkpoint na malapit sa lugar na pinagtataguan ng mga wanted na Abu Sayyaf sa Barangay Clarin.
Giit ni Dela Rosa, maituturing na “sleeping with the enemy” si Nobleza, matapos matuklasan na boyfriend niya ang kaniyang driver na si Dungon, na kumpirmadong miyembro ng Abu sayyaf.
Ibinunyag din ng chief PNP na isa sa mga pasaherong kasama sa sasakyan ay mother-in-law ng mga teroristang sina Marwan, Janjalani, Sulayman at Akmad Santos.
Aniya, ang mga anak na babae nito ay asawa ng mga nasabing terorista.
Paliwanag ni Dela Rosa, kahina-hinala ang pag-iwas sa checkpoint ni Nobleza at ang kaniyang presensya sa lugar kung saan nagtatago ang mga wanted na Abu Sayyaf sa Bohol.
Giit ni Dela Rosa, nais niyang ipalipat sa Camp Crame mula sa kustodiya ng Bohol PNP si Nobleza at si Dungon dahil maituturing itong high-value targets.
Kasalukuyang inaalam ng mga otoridad kung si Nobleza, na isang balik-Islam ay isang supporter ng Abu-Sayyaf o nagamit lang ng kaniyang ASG member na boyfriend.