KALIBO, Aklan — Patuloy na ginagamot sa Intensive Care Unit ng Aklan Provincial Hospital ang isang 22-anyos na babae na SK Kagawad matapos pagsasaksakin ng isang barangay tanod dahil umano sa tsismis sa Sitio Punta, Barangay Dumaguit, New Washington, Aklan.
Kinilala ang biktimang si Journalyn Dionaldo, walang asawa habang ang suspek ay si Jason Bautista, 40-anyos, kapwa residente ng naturang lugar.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagkaroon ng komprontasyon ang dalawa at nagkainitan dahil sa tsismis.
Dahil sa sobrang galit, nasaksak umano ng suspek ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Agad namang isinugod sa ospital ang biktima habang naaresto ang suspek ng Maritime Police at kasalukuyang nakakulong sa New Washington Municipal Police Station.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang suspek.