Ipinagpasalamat ng anti-crime and corruption advocates group ang babalang inihayag ng Korte Suprema hinggil sa pagkalat ng mga pekeng dokumento sa kasalukuyan.
Kung saan personal na nagtungo ngayong araw sa tanggapan ng kataas-taasang hukuman ang Coalition Against Corruption at Kilusang Pagbabago National Movement for Change upang isumite ang isang liham ng pagsuporta.
Ayon kay Monalie Dizon, secretary general ng naturang advocates group, kanilang ipinaabot ang pasasalamat at inihayag pa ang pagsuporta sa isinapublikong babala ng Supreme Court.
Maalala na binigyang babala ng korte suprema ang publiko na mayroong mga insidente ng pagpapakalat ng mga pekeng notisya, kautusan, resolusyon at iba pang dokumento.
At pinag-iingat din ang mga mamamayan sapagkat may mga naitatalang kaso rin ng pambibiktima ng ilang indibidwal sa pagpapanggap bilang mga tauhan ng korte o court officials na siyang layong makapanikil ng pera.
Kaya naman dahil sa inisyatibong ito na pagbibigay babala sa publiko, iniabot ng naturang koalisyon ang kanilang pagsuporta upang maibsan ang mga ganitong uri ng panloloko sa bansa.
‘Gusto ko lamang po magpasalamat at magpapaabot ng suporta kay Chief Justice Gesmundo regarding po sa kanyang mga paalala dun sa mga corrupt na sinasabing mga judges and fiscals na namamayagpag sa panahon ngayon,’ ani Monalie Dizon, secretary general ng Coalition Against Corruption at Kilusang Pagbabago National Movement for Change.
Samantala kasabay ng kanilang pasasalamat kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ay nabanggit din niya ang kaugnay na insidente ng panloloko umano sa kanilang lungsod ng Olongapo.
Aniya, may mga kaso rin daw ng pagpapakalat ng pekeng dokumento at pagpapanggap umano ng ilang indibidwal bilang parte o opisyal ng gobyerno.
Kaya ganun na lamang ang kanilang pasasalamat matapos ang pagbibigay babala ng kataas-taasang hukuman.