Siniguro ngayon ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na tuloy na ang pagbabayad nila sa kanilang pagkakautang sa Philippine Red Cross (PRC) sa Lunes.
Una nang isiniwalat ng PRC na umaabot na sa P930 million ang hindi pa nababayaran ng PhilHealth mula sa kanilang isinagawang mga COVID-19 tests.
Sa statement ng PhilHealth, kinumpirma nito na natanggap na nila ang legal opinion ng Department of Justice (DOJ).
May kaugnayan ito sa naunang memorandum of understanding (MOA) na kanilang pinasok sa PRC.
Sinasabi umano ng DOJ na legal ang kontrata at hindi na ito sakop ng Procurement Law.
Idineklara naman ng PhilHealth na sa ngayon wala ng dahilan pa na hindi ituloy muli ng Red Cross ang pagsasagawa ng swab tests sa mga overseas Filipino workers (OFW).
“Having been in receipt today of the DOJ legal opinion saying that the PhilHealth-PRC MOA is not subject to Procurement Law, PhilHealth will release payment on Monday, October 26, 2020, subject to completeness of billing requirements submitted by the PRC,and in compliance to COA rules,” bahagi pa ng statement ng PhilHealth. “This should enable the PRC to immediately resume its testing of swab specimen of concerned sectors which PhilHealth pays for.”
Una nang sinabi ng DOLE na umaabot na sa 6,000 ang mga OFW na natengga sa mga quarantine site dahil sa nag-aantay pa sa kanilang mga COVID tests.