-- Advertisements --
image 268

DAVAO CITY – Naiuwi na sa Malita, Davao Occidental ang bangkay ng babaeng biktima ng kalunus-lunos na rape-slay sa Pampanga City noong Oktubre 16,2022.

Sa tulong ng Office of the Vice President ay naiuwi ang biktima at kanina ngang tanghali ay lumapag sa Bangoy International Airport ang eroplano ng Airforce lulan ang mga labi ni Mary Grace Sebu, 31 anyos mula Pampanga.

Walang mapaglagyan ng paghihinagpis ang kaanak ng biktima lalo pa’t nanatiling malaya hanggang ngayon ang suspek sa krimen.

Napag-alamang taong 2019, ni-recruit si Mary Grace upang magtrabaho sa Maynila kung kaya’t iniwan nito ang anim na anak sa kanyang magulang sa Davao Occidental.

Huling nakapanayam umano ng ginang na si Leonora Sebu, ang anak noong Oktubre 14 kung saan ay huling video call na pala iyon ng mag ina.

Isinalarawan pa ng ginang ang kalunus-lunos na sinapit ng anak na nagtamo umano ng malaking sugat sa mukha na animo’y hinampas ng matigas na bagay saka ito ginahasa at pinatay.

Duda naman ng pamilya na ang lalaking tulak umano ng droga na nagkagusto kay Mary Grace ang salarin sa krimen.

Kung kaya’t sigaw ngayon ng pamilya na makamit ang hustisya para kay Mary Grace Sebu.