KORONADAL CITY – Kinumpirma ng Indigenous People Mandatory Representative o IPMR ng Datu Hoffer, Maguindanao Del Sur na isang sanggol na nasa isang buwan pa lamang ang binawian ng buhay habang nasa evacuation center.
Ayon kay IPMR Anton Dian kabilang ang mga magulang ng nasawi sa mga lumikas kasunod ng bakbakan ng Daulah Islamiyah at MILF group madaling araw ng Lunes sa Brgy. Tuayan.
Nasawi umano ang sanggol dahil sa lumalang sakit nito na asthma.
Napag-alaman na dahil sa kanilang mahirap na kalagayan sa evacuation center na sinabayan pa ng takot dulot ng gulo ay hindi na nadala pa sa pagamutan ang sanggol.
Sa ngayon, nasa tribal hall malapit sa barangay hall nananatili ang mga bakwit na umabot sa higit 40 pamilya at wala pa umanong go signal mula sa LGU na maaari na silang makabalik sa kanilang mga tahanan.
Kasabay nito, nanawagan naman ang mga lumikas na katutibo sa mga concerned agencies na tutukan ang mga kalagayan ng mga ito.
Matatandaan na nagbigay na rin ng paunang tulong ang Barangay LGU ng Limpongo sa mga apektadong pamilya matapos na magkasagupa sa Barangay Mother Tuayan Datu Hoffer ang grupo ng MILF 118th Base Command at Dawla Islamiya hassan group kung saan dalawa sa kasapi ng Dawla islamiya ang nasawi base sa narekober na bangkay sa lugar.