Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglikha ng isang National Government Administrative Center (NGAC) sa labas ng national capital region gaya sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Sa inilabas na Executive Order, binigyang-diin ni Pangulong Duterte na kailangang magkaroon ng isang integrated government center sa labas ng NCR na magsisilbing back-up administrative hub na gagamitin bilang disaster recovery center.
Nakaploob sa EO na gusto ni Pangulong Duterte na maging tuloy-tuloy lamang ang serbisyo ng gobyerno sa panahong may pagtama ng iba’t ibang kalamidad sa bansa, gaya ng bagyo, lindol, baha at iba pa, kung saan ang Malacañang na siyang seat of national government ay kasalukuyang matatagpuan sa isang lugar na lantad sa banta ng lindol na maaaring idulot ng paggalaw ng west at east valley faults.
Nakasaad din sa EO na ang paglikha ng isang back-up government center ay isa ring pagkakataon para matugunan ang matagal nang isyu ng kakulangan ng sustainable employment opportunities sa labas ng Metro Manila, hindi balanseng pag-unlad sa mga rehiyon at hindi patas na distribusyon ng yaman ng bansa.
Dahil dito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa lahat ng departamento, kagawaran at mga tanggapan ng iba’t ibang ahensya sa ilalim ng Ehekutibo na magtatag ng kani-kanilang satellite o field offices sa NGAC para rito makapag-operate pa rin sakaling maging paralisado ang operasyon ng gobyerno sa NCR.
Kasama rin sa hinihikayat ni Pangulong Duterte na magtatag ng kanilang satellite offices sa NGAC ang sangay ng lehislatura at hudikatura maging ang mga independent constitutional bodies.
Magiging epektibo ang EO matapos itong mailathala sa official gazette o sa mga pahayagang may general circulation.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang EO sa November 17, 2020.