Nakapaghanda na ng organizing committee ng isang backup plan para sa mga open-water events sa Paris Olympics dahil sa pinangangambahang kondisyon ng sikat na Seine River.
Nakatakda kasing ganapin sa naturang ilog ang triathlon at marathon swimming events ngunit natukoy sa mga nakalipas na linggo na mayroon itong mataas na E.coli bacteria.
Maliban dito, pinaghahandaan din ng komite ang posibleng pagbuhos ng ulan at iba pang abnormalidad sa panahon.
Kabilang sa backup plan ng organizing committee ay ang relokasyon ng marathon swimming competition sa Vaires-sur-Marne Nautical Stadium sa greater Paris region.
Ang naturang lugar ay siya ring venue para sa rowing at canoeing competition. Kaya nitong mag-accommodate ng hanggang 15,000 spectators.
Sa kabila nito ay umaasa ang mga organizer na magiging maayos rin kinalaunan ang kalagayan ng sikat na Seine, lalo na at tuloy-tuloy umano ang ginagawang operasyon dito ng komite.
Samantala, gaganapin ang triathlon at marathon swimming event mula July 30 hanggang August 5, oras sa Paris.