-- Advertisements --
DOH USEc vergeire spox
DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire

Todo paliwanag ang Department of Health (DOH) at mga eksperto sa dahilan kung bakit nagkakaroon ng backlog sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing ng bansa.

Kasunod ito ng mga panawagan para sa pagsasagawa ng mass testing at paglalabas ng real time na datos sa mga kumpirmadong kaso ng COVID-19.

Sa pinakahuling tala, mayroon pang 7,000 tests ang hindi napoproseso ng mga lisensyadong laboratoryo.

Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may ilang mga factors na nakakaapekto sa pagproseso ng mga test results.

“Hindi gano’n kadaling sabihin na dapat ay i-angat natin ang ating testing capacity na tila ito ay pregnancy test lamang… Kumplikado ang proseso ng pagte-test,” wika ni Vergeire sa isang press briefing.

Ayon naman kay Dr. Marife Yap, executive ng health systems development organization na ThinkWell, inaabot daw ng walong oras para sa pagsusuri lamang ng swab sample ng coronavirus.

Kadalasan din aniya na manu-mano ang polymerase chain reaction (PCR) methodology na nangangailangan ng lubos na pag-iingat ng laboratory personnel.

Kasama na rito ang apat na oras na pag-extract sa virus, at dalawang oras sa pagproseso ng PCR machine.

“Medyo masalimuot ang proseso ng testing para sa COVID-19… Sa suma total po, mga walong oras po talaga ito,” wika ni Yap. “Hindi po talaga mapapabilis ito sa kadahilanang may karampatang ingat po talaga na dapat gawin.”

Inilahad pa ni Yap, hindi rin umano nasusunod ng ilang mga laboratoryo ang alas-6:00 na cut off time sa pagsusumit ng report sa DOH, na isa rin sa mga sanhi ng backlog.

Mayroon din aniyang maximum capacity ang PCR machines kaya limitado lamang ang bilang ng mga samples na maaaring maproseso sa loob ng isang araw.

“‘Yung PCR, meron lang po ‘yang mga 96 na butas pero 44 lang po ang puwedeng gamitin do’n, sa kadahilanan na meron pa pong kailangang ilagay na ibang mga sample na pang-verify doon sa tine-test at iba pang mga teknikal na bahagi.”

Hirap din umano ang mga laboratories dahil sa kakulangan ng tao na magsasagawa sana ng tests.

“Marami po sa ating mga LGU ay nagsipag-swab na po, so ang dami nang samples. ‘Yung ating mga labs, medyo nao-overwhelm na sila sa dami ng samples kaya hindi rin sila nakakatapos,” ani Yap.

“Marami po sa ating mga laboratoryo, humahanap kaagad ng paraan para matugunan ito… minsan ibinibigay nila sa ibang lab para lang matapos na ‘yun, nagdadagdag sila ng tao, nagdadagdag sila ng oras,” paglalahad ni Yap.

Inamin naman ni Vergeire na malaking hamon para sa kanila ang paglalabas ng real-time data lalo pa’t “limitado” ang kanilang resources.

Pero tiniyak ng DOH official sa publiko na nagtatrabaho ang kagawaran para maibigay ang tamang datos.

Batay sa datos na inilabas ng DOH, nasa 207,823 katao na ang na-test para sa COVID-19 hanggang Mayo 15.

Sa nasabing bilang 82.4% ang negatibo sa sakit, habang 8.1% ang nagpositibo.