CAUAYAN CITY- Inamin ng pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na nagkakaroon na ng backlog sa mga specimen na dumarating sa kanilang molecular laboratory dahil sa dami ng mga dumarating na kailangang isailalim sa pagsusuri.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC na dagsaan sa ngayon ang pagdating ng mga specimen sa CVMC molecular laboratory.
Aniya, hindi lamang dito sa lambak ng Cagayan nanggagaling ang mga specimen dahil maging sa mga karatig na probinsya ay dinadala rin sa testing center ng CVMC.
Dahil dito, umaabot na sa 72 oras bago mailabas ang resulta ng mga specimen.
Hiniling ni Dr. Baggao ang pang-unawa ng lahat dahil kailangan ding unahin ang mga frontliners at vulnerable groups.
Kaugnay nito ay mayroon naman silang drive thru swabbing booth na puwedeng puntahan ng mga walk in patients tulad ng mga OFWs na babalik na sa kanilang trabaho sa ibang bansa at maging sa mga empliyado na nirerequire silang magpaSWAB test.
Hakbang aniya ito ng CVMC para maiwasan ang siksikan sa molecular laboratory ng pagamutan.