BACOLOD CITY – Magbibigay ng tulong-pinansyal ang lungsod ng Bacolod sa mga biktima ng serye ng lindol sa Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Bacolod City Mayor Evelio “Bing” Leonardia, magmumula ang financial assistance sa pondo ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Dagdag pa ng alkalde, nakapag-usap na sila ni Executive Assistant Joemarie Vargas, cluster head ng CDRRMO, na magsasagawa ito ng research upang matukoy kung magkano ang ipinapadalang tulong ng ibang local government units (LGUs) sa Mindanao upang mayroon silang benchmark.
Maalalang, niyanig ng tatlong sunod-sunod na malalakas na lindol ang ilang bahagi ng Mindanao noong nakaraang Oktubre 16, 29 at 31 na nag-iwan ng 22 patay at daan-daang sugatan.
Samantala, nanawagan naman ang Philippine Coast Guard Station Negros Occidental sa mga nais magbigay ng donasyon sa mga biktima ng Mindanao quake.
Ayon kay Lt. Senior Grade Rockliff Buling, babalik naman sa Mindanao ang barko ng PCG sa susunod na mga araw upang maghatid ng tulong sa mga residente.