(Update) BACOLOD CITY – Pinalitan ng alkalde ng Bacolod ang pinuno ng City Health Office kasunod ng pagsampa ng National Bureau of Investigation ng kaso laban dito dahil sa umano’y discrepancy sa pagreport ng COVID test results.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Edwin Miraflor, kinumpirma nito na siya ang inilagay ni Mayor Evelio Leonardia bilang officer-in-charge ng CHO matapos inilipat si Dr. Carmela Gensoli.
Ayon kay Miraflor, ini-appoint siya ng dating city health officer nitong Oktubre 19 hanggang Nobyembre 6 bilang officer-in-charge dahil nag-file ito ng leave.
Sa ngayon, natanggap na ni Miraflor ang appointment papers mula mismo kay Mayor Leonardia.
Si Gensoli ayon kay Miraflor ay inilipat sa Economic Recovery Committee.
Nabatid na si Gensoli ay sinampahan ng NBI ng kasong paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at RA 11494 o Bayanihan to Recover as One Act.
Mismong si IATF deputy chief implementer for Visayas Retired General Melquiades Feliciano ang humiling sa NBI na imbestigahan si Gensoli dahil sa hindi pagreport ng COVID-19 results mula sa molecular laboratory sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.