-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Isang linggong nakalockdown ang Bacolod Government Center kasunod ng pagkamatay ng ilang empleyado dahil sa coronavirus disease.

Ayon kay Bacolod City Mayor Evelio Leonardia, layunin ng lockdown na maisagawa ang disinfection rito.

Nitong weekend, dalawang empleyado ng Land Tax Division ang namatay dahil sa coronavirus.

Unang namatay ang 48-anyos na female employee at sinundan ng male employee na unang nagpositibo at nakahawa sa kanyang officemate.

Sa kabuuan, anim ang namatay sa Bacolod sa loob lamang ng ilang araw.

Kaninang umaga, binawian din ng buhay ang 69-anyos na ina ng 48-anyos na empleyado.

Ayon kay Bacolod City Vice Mayor El Cid Familiaran, namatay din kagabi ang isang babaeng call center agent sa lungsod dahil sa COVID.

Nitong Sabado, pumanaw din ang isang babaeng residente ng Barangay Singcang Airport at lalaking residente ng Barangay Banago dahil sa virus.

Dumagdag din sa mga namatay ang isang residente ng Barangay Estefania, Bacolod City.

Kaninang hapon, nagpulong ang Inter-Agency Task Force ng lungsod upang pag-usapan ang COVID situation sa Bacolod.