BACOLOD CITY – Bumaliktad ang mga statement ng prime o pangunahing suspek sa nangyaring masaker sa Lungsod ng Bacolod.
Kagabi, umamin na si Christian Tulot alyas Dondon na siya lang ang mag-isang pumatay sa kanyang dalawang tiyahin, pinsan at pamangkin sa Gardenville Subdivision, Barangay Tangub.
Kasunod naman nito ay narekober ng mga miyembro ng Bacolod Police Station 8 ang mga gamit sa pagpatay na nakuha sa kusina kung saan naganap ang krimen at iba pa na nakuha sa bahay ng kaibigan nito na si alyas Aming sa bayan ng Salvador Benedicto, Negros Occidental.
Ayon kay Police Maj. Joery Puerto, station commander ng Bacolod Police Station 8, nakuha nila ang martilyo at panggapas ng tubo na ginamit sa pagpatay gayundin ang mga cellphone at ilang alahas ng mga biktima.
Ang suspek din ang nagturo mismo kung saan mahahanap ang mga ginamit sa pagpatay at iba pang bagay na may kaugnayan sa masaker.
Umamin naman si Dondon na siya lang ang pumatay sa kanyang mga kaanak at walang kinalaman ang isang Joel Espinosa.
Napag-alaman din na gawa-gawa lang ng suspek ang binanggit na boss Bro, na kasabwat daw niya sa krimen.
Dahil dito ay agad naman pinalaya si Joel matapos mapatunayan na wala itong kinalaman sa krimen.
Ipinaliwanag nito na hindi hinuli si Joel kundi dinala mismo ng pamilya sa istasyon para makaharap si Dondon.
Ayon kay Puerto, gumagawa na lang ng kwento si Dondon para mapababa ang kaso sa pamamagitan ng pag-imbento ng mga tao na maituturong mastermind sa krimen.
Tinitingnan din na may galit ang suspek sa mga kaanak kaya nagawa nito ang pagpatay.
Napag-alaman na noong nakaraang taon, ipina-blotter si Dondon ni Jocelyn dahil sa pagwawala.
Maliban sa multiple murder, tinitingnan din na sasampahan ng karagdagang kaso na robbery si Dondon.
Nakatakda namang na ulitin ng supect ang confession statement sa harap ng abogado ngayong araw.