-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nagpositibo sa drug test ang prime suspect sa nangyaring massacre sa Gardenville Subdivision, Barangay Tangub, lungsod ng Bacolod kung saan apat ang patay.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Joery Puerto, station commander ng Bacolod Police Station 8, inilabas kanina ng Crime Laboratory ng Negros Occidental Police Provincial Office ang resulta ng drug test ni Christian Tulot alyas Dondon at positibo sa illegal substance.

Nabatid na nakuhaan ng limang sachets ng suspected shabu ang bag ni Dondon matapos mahuli sa Barangay Bunga, Salvador Benedicto nitong Miyerkules ng hapon.

Sa ngayon, inaasikaso ng Bacolod Police Station 8 ang pagsasampa ng kasong multiple murder laban kay Dondon. Sasampahan din ito ng robbery matapos kanyang ninakaw ang mga alahas, cellphones at iba pang mamahaling gamit ng kanyang mga tiyahin na sina Jocelyn Nombre at Gemma Espinosa, pinsan na si John Michael Espinosa at pamangkon na si Precious Jonah Espinosa.

Umaasa naman ang mister ni Jocelyn na si Jonel na kanilang makakamit ang hustisya sa sinapit ng kanyang misis, bayaw, pamangkin at anim na taong gulang na apo.

Hindi naman makakauwi si Jonel na nagtratrabaho sa inter-island na barko upang dumalo sa libing ng kanyang misis dahil walang flight ang eroplano papuntang Negros Occidental dahil sa travel moratorium.

Sa ngayon, ang barkong sinasakyan ni Jonel ay naka-dock sa Legazpi City, Albay.

Hustisya rin ang panawagan ng ina ng batang si Precious sa sinapit ng kanyang nag-iisang anak.

Ayon kay Rose Lumogdang na nagtratrabaho ngayon sa Jeddah, Saudi Arabia, Sabado nang huli niyang nakausap ang kanyang anak at nitong Linggo, hindi na makontak ang kanyang live-in partner na si John Michael.

Hindi naman ito makakauwi para sa libing ng kanyang mag-ama dahil sa COVID pandemic.