Hindi raw imposible na tumaas pa lalo ang bad loans ng financial system ng Pilipinas dulot ng coronavirus pandemic at mababang demand ng mga produkto sa mga susunod na buwan o taon.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nakumpirma nito na malubha ring naapektuhan ng COVID-19 crisis ang mga bangko at financial institutions sa bansa. Sa kabilang banda ay sinubukan pa rin naman daw ng mga ito na ituloy ang kanilang financial service dahil sa mahalagang papel nito sa domestic economy.
Sinubukan umano ng pandemic ang katatagan ng banking at financial ecosystem ng bansa sa pamamagitan ng pagtugon nito sa global health crisis. Naapektuhan din nito ang banking operations dahil sa ipinatutupad na community quarantine at social distancing measures kaya nag-adjust na rin ang mga bangko sa kanilang banking services araw-araw.
Bilang suporta naman ng BSP ay nag-deploy ito ng targeted at time-bound regulatory relief packages upang hindi magambala ang flow ng financial services sa bansa ngayong may pandemic.
Sinabi naman ni BSP Governor Benjamin Diokno na layunin ng mga relief packages na ito na tugunan ang critical reaquirements ng ekonomiya habang sinisiguro na hindi makokompromiso ang financial stability.
Batay sa financial soundness indicators ng BSP, napatunayan ang pagiging matatag ng banking system ng bansa noong 2020 subalit nagpaalala pa rin ito sa peligro na dala ng mga nangungutang sa bangko, gayundin ang mula sa demand at supply side factors, na posible raw magpalala sa epekto nito sa ekonomiya.
Nakasaad din sa nasabing report na nananatili sa “satisfactory” level ang kalidad ng banking system loan portfolio.
Ang pagtaas naman sa bad loans ay sinabayan din ng mataas na loan loss provisioning. Tumaas ang loan loss reserves simula noong 2020 na nagresulta naman sa mataas na bad loan coverage ratio na nasa 92.9 percent noong December 2020, kumpara sa 92.6 percent ratio noong 2019. Ito ay dahil na rin sa patuloy na pagkabahala ng bangko sa posible pang epekto ng pandemic sa loan portfolio.