-- Advertisements --

Binusisi nang husto ng mga federal aviation experts sa unang araw ng imbestigasyon ang lagay ng panahon nang mangyari ang helicopter crash na ikinasawi ni basketball great Kobe Bryant at ng walong iba pa.

Sa ginawang pag-eksamin ng team mula sa National Transportation Safety Board (NTSB) sa wreckage site sa Calabasas, California, agad nilang sinuri ang mga debris na nakakalat sa lugar kung saan bumagsak ang chopper.

Kobe Bryant death

Ayon kay NTSB board member Jennifer Homendy, may nakita silang senyales na may ginampanang papel sa aksidente ang ulap, hamog, at limitadong visibility.

Nananawagan din sa publiko si Homendy na magpadala sila ng larawan para matukoy ang local weather conditions nang maganap ang helicopter crash.

Gayunman, sinabi ng mga imbestigador na isa lamang factor ang panahon sa trahedya.

“We take a broad look at everything in an investigation – man, machine and the environment. And weather is just a small portion of that,” wika ni Homendy.

Inilarawan din ng opisyal ang pira-pirasong aircraft na nakakalat sa paligid ng isang impact.

“It was a pretty devastating accident scene,” anang opisyal.

Sinabi naman ng isang aviation lawyer na si Gary Robb na hindi raw maaaring isantabi ang posibilidad ng mechanical failure.

Ito’y lalo pa’t mayroong mga “ear-witness” accounts na tila lumalagutok ang helicopter ilang saglit bago ito bumagsak.

Sa ngayon ay pinaghahanap pa ng mga imbestigador mula sa Los Angeles County coroner ang iba pang labi ng mga biktima.

Narekober na kasi ng mga otoridad ang unang tatlong bangkay mula sa crash site, ngunit hindi pa nagbigay ng anumang detalye hinggil dito.