-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nagulat ang isang empleyado ng money changer makaraang madiskubre na nawawala ang kanyang backpack na naglalaman ng milyong pisong halaga ng pera na pinapaniwalaang tinangay ng hindi kilalang miyembro ng salisi gang sa loob ng kanilang opisina sa Boracay.

Nakilala ang biktima na si Nico Jun Caagbay, 26-anyos na empleyado ng naturang money changer at residente ng Sitio Manggayad, Barangay Balabag sa nasabing isla.

Base sa report ng biktima sa Malay Police Station, iniwan niya ang bag sa loob ng opisina upang magbanyo subalit sa kanyang pagbalik ay nawawala na ang kanyang bag na naglalaman ng umaabot sa P2.5 milyon at iba pang personal na gamit gaya ng passbook at checkbook nito.

Pagmamay-ari aniya ng ka-live-in partner ng kanyang kapatid na babae ang pera.

Maliban dito, nawawala rin ang halos P170,000 na pera ng kanilang opisina at kanyang cellphone.

Inaalam na ng pulisya ang pagkatao ng suspek na posibleng tumangay sa bag ng biktima batay sa kuha ng CCTV (closed circuit television) sa lugar.

Nakita sa CCTV footage ang lalaki na nakasuot ng itim na jacket na may hood na naglalakad palabas ng money changer bitbit ang ninakaw na bag.