Tiniyak ng Ang Probinsyano party-list na iimbestigahan ang insidenteng pananapak ng isa sa kanilang kinatawan sa isang waiter kamakailan.
Sinabi ng tagapagsalita ng grupo na si Atty. Joco Sabio, hindi nila kukunsintihin ang anumang pag-abuso sa kapangyarihan ng kanilang first nominee na si Alfred Delos Santos.
Dismayado raw sila sa nangyari at sisikapin nilang hindi na ito maulit pa.
Hindi aniya sıla magdadalawang-isip na suspendihin o tanggalin si Delos Santos kung mapatunayang may sala ito sa pangyayari.
Gayunman, bibigyan pa rin umano nila ng pagkakataon na makapagpaliwanag ito bago sila magbaba ng desisyon hinggil sa nangyari.
Samantala, pinaaalalahanan ni ACT CIS Party-list Rep. Niña Taduran si Ang Probinsyano party-list Rep. Delos Santos ng kanilang mandato bilang kongresista.
Ayon kay Taduran, dapat alalahanin ni Delos Santos na isang prebilehiyo ang posisyon na hawak nito.
Hindi rin daw dapat nagpapadala lamang sa emosyon at dapat na palaging pinaiiral ang maximum tolerance.
Dagdag nito na dapat ay maging role model silang mga kongresista at isa sa kanilang trabaho ay ipagtanggol ang kapakanan at interes ng taongbayan.
“As a newcomer and based on the now-viral video, I would never condone violence,” ani Taduran.
Gayunman, ipinauubaya na ni Taduran sa mga otoridad ang pag-imbestiga sa insidenteng kinasasangkutan ni Delos Santos.