-- Advertisements --

Wala umanong namomonitor ang mga bagitong kongresista na planong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Reaksyon ito ng mga kongresista sa naging pahayag kamakailan ni dating presidential spokesman Atty Harry Roque na posibleng ihain ngayong linggo ang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.

Pagbibiro ni La Union Congressman at House Asst Majority Leader Paolo Ortega, wala siyang nakitang ganitong pangyayari sa kanyang crystal ball.

Biro pa nito na kailangan nang linisin ang crystal ball kung saan lumabas ang naturang impormasyon dahil sa kasalukuyan ay wala umano silang naririnig na ganitong impormasyon sa Kamara de Representanted.

Para naman kay House Assistant Majority Leader Cong. Raul Angelo Bongalon, sa kasalukuyan ay wala silang naririnig na ganitong balita sa Kamara.

Gayonpaman, hindi aniya nakakapagtaka kung may isang indibidwal o grupo ng mga indibidwal na maghahain ng impeachment protest laban sa pangalawang pangalawang pangulo.

Pero dahil sa wala pa aniyang ganitong impormasyon na itinutulak ng mga kongresista, mananatiling ‘tsismis’ ang naturang impormasyon.

Una nang sinabi ni dating Pres’l Spox Harry Roque na ngayong linggo ay maaaring ihain na sa Kamara ang pagpapatalsik laban kay VP Sara.

Ayon kay Roque, hindi malayong gawin ito ng mga kongresista dahil nais aniya ng mga ito na matanggal ang banta laban sa kandidatura ng isang tinawag niyang ‘tambaloslos’.

Samantala, bagaman sinabi ng dating Duterte spox na susuportahan ng mga kongresista ang inisyatibang pagtanggal kay VP Sara, naniniwala naman si Roque na hindi ito gaanong makakakuha ng suporta mula sa mataas na kapulungan.

Ayon kay Roque, iba ang sistema sa Senado kung saan hindi umano sumasamba ang mga miyembro nito sa kanilang tumatayong lider kayat tiyak na mas independiente ang mga ito kumpara sa Kamara.

Inihalimbawa rin ni Roque ang aniya’y pangangampanya ni VP Sara para sa kandidatura ng 12 senador noong 2019 habang ang ibang nanalo sa nakalipas na halalan ay dati ring ikinampanya ng pangalawang pangulo.

Maalalang noong nakalipas na taon ay dati na ring may kumalat na impeachment rumor laban kay VP Sara habang nasa kasagsagan noon ang isyu ukol sa confidential at intelligence fund.

Lumabas ang isyung iyon habang nasa kasagsagan ng pagdinig sa 2024 National budget kung saan naungkat ang malaking confidential fund na hinihingi ng DepEd na dating pinamumunuan ng pangalawang pangulo.

Sa paglabas ng impeachment rumor laban kay VP Sara ngayong taon ay nagsisimula na rin ang inisyal na pagtalakay sa pambansang pondo para sa 2025.