-- Advertisements --

Magulang ni Ricky Sereño

BACOLOD CITY – Patay ang self-confessed bagman ng Berya Drug Group sa Negros Occidental matapos pagbabarilin nitong araw sa Bacolod City.

Kinilala ang napatay na salarin na si Ricky Serenio.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng kapatid nitong si To Amay Serenio na pauwi na sana ng Pulupandan ang biktima mula Manville Royale nang pagbabarilin ng riding in tandem suspects ang kotseng minamaneho nito.

Batay sa ulat, naisugod pa sa Bacolod South General Hospital si Serenio ngunit binawian din ng buhay.

Nagtamo ito ng mga tama ng baril sa ulo, tiyan, balikat at iba pang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon, posibleng caliber-.45 pistol ang ginamit sa pamamaril.

Nakilala si Serenio matapos lumabas sa publiko noong 2016.

Isiniwalat nito ang pangalan ng mga opisyal ng pulis na tumatanggap umano ng buwanang payola mula sa kanyang boss na si Berya Tolentino, kabilang na si dating Negros Occidental Police Provincial Office director William Señoron.

Kinaladkad din nito sa illegal drug trade si former Sen. Mar Roxas, Sen. Franklin Drilon at former Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog.

Mula noong taong 2016, lumipat sa Pulupandan si Serenio dahil kinupkop ito ni former Pulupandan Mayor Magsie Peña.

Taong 2017, pinatay ang kapatid at ama ni Serenio at walang natukoy na suspek sa krimen.