Naghihintay na ng approval ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mas maayos at pinalakas na Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.
Ang nasabing bagong major security pact para sa military training sa pagitan ng mga sundalo Pilipino at Amerikano ay nabuo isang taon matapos iutos ni Pangulong Duterte ang termination ng VFA.
Sinabi ni Ambassador Jose Manuel Romualdez, inaasahang magdesisyon si Pangulong Duterte anumang araw ngayon kung i-renew ang binagong VFA na resulta ng ilang linggong negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Amb. Romualdez, pinaglaanan ng mahabang panahon ng magkabilang panig ang pagsasaayos sa VFA lalo na ang gustong isulong ng ating panel.
Inihayag ni Amb. Romualdez na tiwala siyang magpapasya si Pangulong Duterte na ipagpatuloy ang implementasyon ng VFA dahil isa itong mahalagang bahagi ng kasunduan partikular ang Mutual Defense Treaty (MDT) at relasyon ng Pilipinas sa Estados Unidos.