Isang magandang balita ang natanggap ng Quezon Provincial Hospital Network – Quezon Medical Center matapos na pormal nang maibigay ang bagong Fujifilm Supria 128 slice computerized tomography scanner na ipinagkaloob ni Mr. Ramon S. Ang (RSA), president at chief executive officer ng isang kilalang kumpanya sa bansa.
Ang 128 slice CT scanner ay ginagamit sa pag-diagnose at monitor ng iba’t ibang sakit kagaya ng cancer, sakit sa puso, sakit sa baga, stroke, at iba pa.
Ito’y malaking tulong sa bawat pasyenteng nangangailangan ng ganitong pagsusuri sapagkat ito ay higit na mabilis ang proseso, mas detalyado at malinaw ang mga “images” at mas mababa ang radiation exposure.
Malaking kapakinabangan naman ang nasabing bagong kagamitan upang patuloy na maisakatuparan ang maayos at dekalidad na serbisyong pangkalusugan na isa sa pangunahing prayoridad ni Governor Doktora Helen Tan, kung kaya’t labis ang pasasalamat ng gobernadora sapagkat malinaw na mas naiisakatuparan ang pangarap na maunlad at malusog na pamumuhay ng kanyang mga kalalawigan.
Samantala, naihayag din ni Ramon Ang na siya’y handang tumulong sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon upang maisakatuparan ang mga adhikaing pang-kalusugan, at pagbibigay ng iba pang mga proyektong makatutulong para sa ikauunlad ng lalawigan ng Quezon.
Kabilang na ang iba’t-ibang proyektong pang-imprastraktura , at isa na rito ang nalalapit na pagbubukas ng expansion ng Southern Luzon Expressway sa 2026 na mas mag papagaan at mag papabilis na paglalakbay patungo sa Quezon.