Pinangalanan na ng Department of Health ang mga lugar kung saan naitala ang apat na bagong kaso ng novel coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Sa inilabas na impormasyon ng DOH, tinukoy ang pagkaka-confine ng ika-pitong kaso sa Makati Medical Center.
Ito ‘yong 38-anyos na Taiwanese national na na walang recent travel history pero nagkaroon ng close contact sa kanyang kababayan na bumisita dito sa Pilipinas at nag-positibo sa COVID-19 nang makauwi ng Taiwan.
Ang ika-walong kaso naman na 32-year old Pinoy na may travel record sa Japan ay na-confine sa St. Lukes Medical Center sa BGC, Taguig City.
Habang ang 86-year old American national na 9th case ay na-admit sa The Medical City sa Pasig City.
Kinumpirma ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na residente ng kanyang lungsod ang Amerikanong natukoy na may travel history sa US at South Korea.
Ipinag-utos na ng alkalde ang disinfection sa siyudad na tinungo ng pasyente.
Taga-Quezon City naman ang ika-10 kaso na 57-anyos na lalaki. Na-confine daw ito sa St. Lukes Medical Center sa QC.
Una nang sinabi ng DOH na wala itong travel history pero nagkaroon din ng close contact sa isang COVID-19 patient.
Sinabi naman ng QC local government unit na taga-District 1 ng lungsod ang nasabing pasyente na ngayon ay patuloy na binabantayan ang sitwasyon.
Samantala, nag-anunsyo si Pasig City Mayor Vico Sotto na nagkumpirmang may isang COVID-19 patient na rin sa kanyang residente pero na-confine sa ospital na nasa labas ng kanyang lungsod.
Hindi pa kinukumpirma ng DOH ang ulat ng alkalde.