-- Advertisements --

CEBU CITY – Malaki ang kumpiyansa ni Lt. General Noel Clement na magagampanan ang posisyon bilang bagong AFP (Armed Forces of the Philippines) chief of staff.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Lt. Gen. Clement, sinabi nitong sa 30 taon na kanyang pagseserbisyo sa AFP ay handa na ito sa posisyon na ibinigay sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isa aniya itong malaking hamon para sa kanya ngunit siniguro nitong magagampanan ng maayos ang nasabing posisyon.

Inihayag ng opisyal na sa kanyang pamumuno sa AFP ay magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) at mapupuksa ng militar ang rebeldeng grupo sa lalong madaling panahon.

Pinasalamatan din ni Lt. Gen. Clement sa tiwala na ibinigay sa kanya ng pangulo.

Kung maaalala, pinili siya ni Pangulong Duterte para maging susunod na AFP chief of staff kapalit ni Gen. Benjamin Madrigal na magreretiro na sa serbisyo sa darating na September 24.

Samantala, nagbigay ng marching orders si “Digong” sa bagong AFP chief.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kabilang dito ang patuloy na kampanya para matigil ang local communist armed conflict, bagay na hindi na bago kay Lt. Gen. Clement na dati nang namuno sa AFP Central Command, commander ng Philippine Army 10th Infantry Division, at Deputy Chief of Staff for Operations ng AFP.

Ayon kay Sec. Panelo, tiwala silang maninilbihan si Lt. Gen. Clement na may pinakamataas na antas ng propesyunalismo, dedikasyon at integridad bilang pinuno ng AFP.

Tiwala rin ang Malacañang na hindi bibiguin ng Lt. Gen. Clement ang taongbayan, bandila at bayan.

“One of the marching orders of the President is to continue the government’s goal to end the local communist armed conflict — a task that is not new to General Clement as he previously headed the AFP Central Command (CentCom), led the Philippine Army’s 10th Infantry Division (10th ID), and served as the Deputy Chief of Staff for Operations of the AFP, among others,” ani Sec. Panelo.

“The Palace is confident that with General Clement at the helm of the AFP, he will continue to uphold the high degree of professionalism, the dedication and the integrity our soldiers have displayed to the flag and country.” (with report from Bombo Reymund Tinaza)